Higit 200 Tokhang Responders sa Aurora, Isabela, Nagtapos na sa CBRP!

*Aurora, Isabela- *Nagtapos na sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP) ang nasa 222 na tokhang responders ng PNP Aurora, Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Police Lieutenant Andy Delos Santos, Deputy Chief ng PNP Aurora sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Bukod dito, mula sa 33 barangay na sakop ng bayan ng Aurora ay nasa 12 na barangay ang naideklarang Drug Cleared habang nasa 14 na mga barangay naman ang hindi apektado ng droga.


Inaasahan naman ngayong taon na maidedeklara na bilang drug cleared ang buong bayan ng Aurora.

Samantala, patuloy naman ang kanilang isinasagawang Anti-Criminality checkpoint sa magkakaibang lugar dalawang beses sa isang araw.

Kaugnay nito, wala namang nakukumpiskang baril ang PNP Aurora mula sa mga motorista kaugnay sa kanilang ipanapatupad na Checkpoint.

Dagdag pa ni P/Lt. Delos Santos, sa bilang na 273 gun owners sa kanyang nasasakupan ay 203 sa mga ito ang nabisita na ng kanilang tanggapan habang ang iba naman ay nasa ibang bansa na.

Sa ngayon ay nasa 76 na ang nagsuko ng kanilang mga baril na kinabibilangan ng Caliber 45 at Caliber 38 habang patuloy pa rin ang kanilang pagpapaalala sa mga may baril na iparehistro na ang mga hawak na armas.

Samantala, inihayag ni P/Lt Delos Santos na ngayong pasukan ay muli nilang isasagawa ang symposium at Community Anti-Terrorism Awareness (CATA) sa mga paaralan maging sa mga barangay officials upang maturuan ang mga ito sa pag-iwas sa iligal na droga.

Facebook Comments