Higit 200 vaccination sites, naitayo sa mga polling areas

Umaabot sa 216 na vaccination sites ang naitatag ng Department of Health (DOH) sa mga polling places kasabay ng nagdaang national at local elections nitong Mayo a-9.

Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na pinakamaraming naitayong inoculation sites sa mga polling precincts ay sa Region 12 na aabot animnapu at isa sa Region 7, habang patuloy pa aniya nilang hinihintay ang datos mula sa mga regions 4-B, 5, 8 at BARMM.

Ani Cabotaje, ginagawa nila ang pagtuturok pagkatapos bumoto ng isang botante kung saan pareho din ang kanilang ipinatupad na proseso, gaya ng pagpapakita ng kanilang ID, vaccination card, kabilang na ang pagpirma sa consent.


Matapos mabakunahan, oobserbahan ang mga ito ng labing limang minuto upang malaman kung wala silang naranasang kumplikasyon.

Sakali namang mayroong allergy ang naturukan ng bakuna, 30 minuto itong inobserbahan.

Sa ngayon, kinakalap pa ang mga datos upang mabilang ang lahat ng mga nabakunahan nuong nagdaang araw ng eleksyon.

Facebook Comments