Umabot na sa 2,647 ang naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na stranded na mga pasahero, drivers at cargo helpers sa ilang mga pantalan sa Eastern at Western Visayas, Bicol Region at Southern Tagalog.
Bukod dito, nasa 26 na vessel, 937 na rolling cargoes at 7 motorbanca ang stranded din sa kasalukuyan.
Pinakamataas na bilang ng mga pasaherong stranded ay sa mga pantalan ng Sta. Clara, Balwarteco at Dapdao sa Eastern Visayas na nasa 1,568 na pasahero, driver at helpers ang apektado habang 3 vessel at 434 rolling cargoes rin ang hindi makapaglayag.
Nasa 11 pantalan naman ang naapektuhan sa may Bicol Region, 5 sa Western Visayas at 21 pantalan sa Southern Tagalog.
Umaabot naman sa 67 na iba pang vessel at 52 na motorbanca ang pansamantalang sumilong sa ibang pantalan bunsod na rin ng patuloy na pananalasa ng Bagyong Jolina.