Umaabot sa higit 2,000 pasahero ang stranded ngayon sa mga pantalan sa apat na rehiyon sa bansa dahil sa epekto ng Bagyong Bising.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nasa 2,792 na mga pasahero, drivers at cargo helpers ang nananatili sa mga pantalan ng Eastern Visayas, Bicol, Central Visayas, at North Eastern Mindanao.
Bukod dito, stranded din ang nasa 1,031 rolling cargoes at 36 vessels.
Nasa 55 na iba pang vessels at 54 motorbancas ang pansamantalang hindi bumiyahe at nakikisilong sa iba’t ibang mga pantalan bunsod na rin ng masamang panahin dulot ng bagyo.
Patuloy na nakaalerto ang PCG sakaling kailangain ng rescue operation sa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Bising habang inabisuhan na rin ang mga Coast Guard District Station na imonitor ang sitwasyon sa lahat ng pantalan sa bansa.
Samantala, nakapagtala naman ang PCG ng 2,809 outbound at 2,532 inbound passengers na bumiyahe sa ibang pantalan na hindi naapektuhan ng bagyong bising.
Kaugnay nito, nasa 83 vessels at 23 motorbancas ang ininspeksyon ng Coast Guard kung saan nag-deploy na rin sila ng 1,993 personnel para imonitor ang sitwasyon at siguruhin na naipapatupad ang health protocols kontra COVID-19.