Higit 20,000 bagong kaso ng COVID-19, posibleng mapanatili sa Setyembre – OCTA

Maaaring mapanatili sa mahigit 20,000 ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na maitatala sa bansa kada araw hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre.

Taliwas ito sa inaasahang pagbaba ng kaso sa susunod na buwan dahil sa epekto ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay OCTA Research Team fellow Dr. Butch Ong, bagama’t bumagal ay patuloy naman ang pagkalat ng virus.


Mula sa 1.8 hanggang 1.9 na reproduction number sa Metro Manila bago ang ECQ ay bumaba na ito sa 1.48.

Gayunman, nananatiling mataas ang positivity rate na nasa halos 30%.

“Given the positivity rate na mataas at mataas din ang ating testing yesterday at 50,000, maaari talagang ma-maintain ‘yung 20,000 plus for the next few days. In fact, baka mamaya hanggang mid-September,” ani Ong sa interview ng RMN Manila.

Kaugnay nito, iginiit ni Ong na dapat sabayan ng kapasidad ng mga ospital ang mataas na kaso ng COVID-19.

Inirekomenda rin niya ang pagpapalawak ng testing at pagpapabilis ng vaccination rollout.

Facebook Comments