Nasa 23,354 na suplay ng bakuna kontra COVID-19 ang inilaan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga kabataan.
Sa nasabing bilang ng bakuna, 22,854 dito ay Pfizer habang ang natitirang 500 ay Moderna vaccines.
Gagamitin ito sa pagsisimula ng pagbabakuna sa mga edad 12 hanggang 17 anyos kung saan nakatakda itong gawin bukas sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) sa ganap na alas-8:00 ng umaga.
Ayon kay OMMC Hospital Director Dr. Karl Laqui, nasa 50 menor de edad na pawang may comorbidities o yung mga kabilang sa A3 priority group ang nakatakdang maturukan ng bakuna.
Aniya, importanteng mabakunahan na rin ang mga kabataan upang kahit papaano ay may panlaban sila sa COVID-19 lalo na’t dumadami ang nahahawaan ng nasabing virus at ng ibang variant nito.
Base naman sa datos ng Manila Health Department nasa 42,394 ang bilang ng mga kabataan na nagpa-pre-register sa manilacovid19vaccine.ph.
Umaasa ang Manila LGU na madadagdagan pa ang suplay nilang bakuna kontra COVID-19 upang mas mabilis nilang mabakunahan ang mga kabataan.