Umaabot na sa higit 22,000 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang nakinabang sa pautang ng Department of Trade and Industry (DTI) at Small Businesses Corporation.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Small Businesses Corporation Spokesperson Azel Solano na layon nitong matulungan ang mga maliliit na negosyo na maisalba mula sa tuluyang pagsasara at upang matulungan na rin ang mga empleyado nito.
Ngayong taon, sinabi ni Solano na target nilang makapagpautang sa higit 60,000 pang mga maliit na negosyo.
Naglaan kasi ang DTI at Small Businesses Corporation ng P2 billion loan assistance sa mga MSMEs.
Paliwanag ng opisyal, online ang pagproseso sa loan kung saan kinakailangan lamang ng aplikante na magprovide ng kanyang 1 government ID, e-mail address, cellphone number, isusumite rin ang 2018 o 2019 financial statement mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o kung wala ay pwede na ang 3 litrato at 1 video na magpapatunay na existing ang kanilang negosyo, Barangay at Mayor’s permit.
Nasa sampu hanggang labinlimang araw aniya ang pagproseso sa loan.
Samantala, nasa P50,000 hanggang P5 milyon ang maaaring utangin depende sa financial standing ng isang negosyo kung saan babayaran ang loan isang taon makalipas ng walang interest at wala ring collateral.
Base sa datos ng DTI, nasa 5% pa ng mga negosyo ang hindi pa makapag-operate bunsod pa rin ng epekto ng pandemya.