Matapos ma-stranded sa Pilipinas dahil naabutan ng lockdown, unti-unti nang napapauwi ng Department of Tourism ang mga na-stranded na foreigners sa pamamagitan ng kanilang sweeper flights.
Sa Laging Handa Public Press Briefing, sinabi ni DOT Usec. Benito Bengzon na nag-umpisa silang tumulong sa pagpapauwi sa mga na-stranded na mga banyaga nitong Marso kung saan sa pinaka huli nilang datos ay umaabot na sa dalawampu’t apat na libong stranded foreign tourists ang kanilang napabalik sa kani-kanilang mga bansa.
Samantala, sa ngayon tinutulungan naman ng DOT ang nasa 2,200 domestic tourists na na-stranded sa iba’t ibang lalawigan sa bansa pabalik dito sa Metro Manila.
Ayon kay Bengzon, kinakailangan lamang nilang makipag ugnayan sa kanilang regional offices at ipakita ang kanilang flights details o return ticket pa-Maynila pero nakansela matapos ipatupad ang flight restrictions.
Tiniyak din nito na libre ang nasabing sweeper flights.