Kasalukuyan pa ring tumutuloy sa iba’t ibang evacuation centers sa bansa ang nasa 207,518 pamilya o katumbas ng 820,030 indibidwal mula sa Regions 2, 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista na pinakamarami rito ay mula sa Region 5 kung saan nasa 27,540 na pamilya o 109,961 katao ang pansamantalang kinakanlong sa 1,024 na mga evacuation centers.
Sinundan naman ito ng CALABARZON na mayroong 20,915 pamilya o katumbas ng 77,428 indibidwal ang nananatili sa 832 na mga evacuation centers.
Nasa 12,904 pamilya o 46,403 indibidwal ang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan mula sa Regions 2, 3, 5, CALABARZON at CAR.
Kasunod nito, nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱8.3 million na tulong sa mga apektadong residente na kinabibilangan ng food packs, non-food items at hygiene kits.
Nagsasagawa rin ang ahensya ng psychosocial intervention katuwang ang Department of Health (DOH) at tiniyak din nito na mayroong mga women & children’s desk upang maprotektahan ang karapatan ng mga kababaihan kasama na ang mga kabataan.
Mahigpit din aniyang ipinatutupad ang health safety protocols sa iba’t ibang evacuation centers nang sa ganoon ay hindi kumalat ang COVID-19 infection.