Ikinatuwa ng pamunuan ng Pasig City Government na marami ng mga nakarekober sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, bagama’t mayroong isang Barangay Kagawad ng Sto. Tomas na nagpositibo sa COVID-19, marami naman ang gumagaling kung saan umaabot na sa 253 habang 73 ang nasawi at 625 ang naging kumpirmadong kaso.
Aniya, walang dapat na ikabahala ang mga residente ng Barangay Sto. Tomas dahil ginagawa nila ang lahat upang matiyak na ma-test ang lahat ng maayos maging ang mga nakasalamuha ng nagpositibong kagawad..
Paliwanag ng alkalde, napakahalaga na manatili na lamang sa kani-kanilang bahay ang mga wala namang importanteng lakad at kapag lumabas sa bahay ay tiyaking nakasuot ng facemask upang masigurong hindi mahahawaan ng nakamamatay na virus.
Pinayuhan din ni Sotto ang mga residente ng Sto. Tomas na pumunta na lamang sa Office of the City Administrator sakaling gusto nilang kumuha ng Barangay Clearance at iba pang mga pangangailangan upang maiwasan na kumalat pa ang COVID-19.