Higit 2,500 job vacancies, iniaalok ng PESO Manila sa Kalinga sa Maynila

Aabot sa 2,500 job vacancies ang iniaalok sa ikinakasang “Kalinga sa Maynila” program ng lokal na pamahalaan ng Maynila ngayong araw.

Ito’y sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO) Manila kung saan ang mga bakanteng trabaho ay bahagi ng patuloy nilang job fair para sa bawat Manileño.

Nagsimula ang nasabing programa ng alas-8:00 ng umaga na magtatagal ng hanggang alas-12:00 ng tanghali.


Gaganapin ang Kalinga sa Maynila sa may bahagi ng Estrada St., kanto ng Conchu St., kung saan partikular na iniimbitahan dito ang mga residente ng Barangay 745, 746, 747, 748, 749 at 752.

Bukas ito para sa mga high school graduates, college level, college at tech/voc graduates.

Payo naman ng PESO Manila sa mga aplikante na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng resume, magdala ng sariling ballpen at sumunod sa mga pinaiiral na public health protocols.

Bukod dito, may isasagawa rin medical consultation, libreng pamamahagi ng gamot, anti-rabies vaccination, civil registry, tricycle/parking registration at registration ng PWD/solo parent at senior citizen ID.

Facebook Comments