HIGIT 2,500 PULIS, IPAPAKALAT SA ILOCOS REGION NGAYONG SEMANA SANTA; HEIGHTENED ALERT, IPATUTUPAD SIMULA SA PALM SUNDAY

Itataas sa full alert ang buong kapulisan sa Ilocos Region simula March 29, kasagsagan ng Linggo ng Palaspas bilang pagtitiyak ng Police Regional Office 1 ang mas pinaigting sa seguridad kasunod ng pagdagsa ng mga biyahero ngayong Lenten season at summer vacation.

Mahigit 2,500 pulis ang itatalaga sa mga pasyalan, simbahan, terminal at ilan pang convergence areas upang masiguro ang ligtas at maayos na pagdiriwang sa buong rehiyon. Kabilang sa mga hakbang ang mas pinaigting na police visibility, inspeksyon sa mga sasakyan, communication equipment, at iba pang operational assets upang matiyak ang kahandaan sa anumang sitwasyon.

Bukod sa seguridad, nagpatupad din ang tanggapan ng mga estratehiya tulad ng crime mapping, intelligence-driven operations, at dagdag na foot at bike patrols sa mataong lugar upang handang rumesponde anumang oras.

Ayon kay Regional Director Police Brigadier General Dindo R. Reyes, bukod sa seguridad, mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang magkaroon ng ligtas, maayos, at makabuluhang pagdaraos ng kwaresma ngayong taon.

Sa pinalakas na pwersa at kagamitan, inaasahan ang mas mabilis na pagresponde sa emergency, mas ligtas na biyahe, at tuloy-tuloy na kapayapaan at kaayusan sa buong Ilocos Region ngayong Semana Santa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments