Higit 25,000 OFWs, negatibo sa COVID-19; isang partylist group, nanawagan sa IATF na magpatupad ng guidelines sa pagtatapon ng face mask at PPEs

Umaabot sa 25,660 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagnegatibo sa COVID-19 base sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG).

Kabilang sa mga nagnegatibo ay ang mga returning overseas Filipinos (ROFs), OFW at non-OFW kung saan sumalang sila sa RT-PCR test.

Maliban pa ito sa naitalang 56,044 ROFs na negatibo sa virus mula July 31 hanggang September 5.


Kaugnay nito maglalabas ang Philippine Red Cross (PRC) ng quarantine certificates sa ROFs na makakakumpleto ng mandatory facility-based quarantine at nagnegatibo sa virus base sa kanilang swab test results.

Samantala, nanawagan si Diwa Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay sa Inter-Agency Task Force (IATF) na magpatupad ng mas mahigpit na guidelines sa pagtatapon ng face masks at Personal Protective Equipment (PPEs).

Sa inihain na House Resolution no. 1244 ni Aglipay, Vice Chairperson ng House Committee on Public Order and Safety, sinunod lamang niya ang kahilingan ng ilang environmental groups na dapat isama sa protocols na ipinatutupad ng gobyerno ang ecological waste management sa paggamit ng face masks at PPEs.

Iginiit ng kongresista na kung hindi maitatapon ng maayos ang mga face masks, face shields at iba pang materyales na ginamit sa paggamot, pagsusuri at pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19, posible itong magdulot ng pinsala sa kapaligiran.

Facebook Comments