Nasa higit 25,000 katao na hinihinalang mayroong COVID-19 ang matagumpay na na-isolate ng pamahalaan at napigilan ang pagkalat pa ng sakit.
Sa pulong ng Inter-Agency Task Force (IATF), sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na nakapag-isolate na sila ng nasa 25,430 individuals mula sa National Capital Region (NCR), Central Luzon at Calabarzon.
Aniya, kung hindi na-isolate ang nasabing bilang ay posibleng tumriple pa ang kaso.
Dagdag pa ni Galvez, karamihan sa mga taong idinala sa government isolation facilities ay mga residente mula sa matataong komunidad o densely populated areas na malabong maipatupad ang home quarantine.
Marami ring alkalde ang nagpapatupad ng no home quarantine policy para sa confirmed COVID-19 cases sa kanilang nasasakupan para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Samantala, aabot na sa 227,648 contact tracers ang nai-deploy sa buong bansa.