
Inaasahang higit 250,000 na mga barangay health workers (BHWs) sa buong bansa ang makikinabang sa dagdag na honoraria kapag naisabatas ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs).
Kamakailan lamang ay naaprubahan sa Senado sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala na layong bigyan ng dagdag na subsidiya ang mga BHWs kahit pa itinuturing silang volunteers.
Giit dito ni Senator JV Ejercito, napakahalaga ng mga BHWs sa ating healthcare system at higit pa sa tungkulin nila ang kanilang nagagawa lalo na noong panahon ng pandemya kaya marapat lamang na mabigyan sila ng maayos na kompensasyon.
Sa panukalang dagdag na honoraria, P3,000 kada buwan ang ipagkakaloob sa lahat ng registered BHWs habang P5,000 kada buwan naman sa lahat ng certified BHWs at ang pondo para rito ay paghahatian ng mga probinsya, syudad at mga barangay.
Ang mga 3rd hanggang 5th class municipalities na nabibilang sa low-income municipalities ay national government naman ang magbibigay ng subsidiya para suportahan sila.
Ang P3,000 o P5,000 ay minimum honoraria lamang at maaari itong dagdagan ng mga local government unit (LGU) lalo kung sila’y may kakayahan.