Patuloy ang mahigpit na seguridad na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) para sa paggunita ng Undas, bukas Nobyembre 1 at Nobyembre 2.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, aabot sa 27,161 pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang sementeryo, memorial parks at major thoroughfares kabilang ang transportation hubs.
Kasama rin sa ide-deploy ng PNP ang 4,866 police assistance desk na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng publiko.
Kadalasang naitatalang krimen sa ganitong panahon ay ang pagnanakaw, salisi, at physical injury.
Pinaalalahanan naman ni Fajardo ang publiko na huwag dalhin ang mga maliliit na bata, matatanda at buntis dahil sa inaasahang madami ang magtutungo sa mga sementeryo.
Iwasan din aniya ang pagbibitbit ng mga matutulis na bagay, alak o inuming nakalalasing, at malaking halaga ng pera.