Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa mahigit 2,400 na mga maliliit na negosyo sa Lalawigan ng Isabela ang nakatakdang bibigyan ng tulong ng Department of Trade and Industry na lubhang naapektuhan ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela, mayroon nang nalikom na pondong P12 Milyong piso kabilang na ang tulong ng provincial government na ipapamahagi sa mga benepisyaryong negosyante maliban pa sa mga in-kind na donasyon ng iba’t-ibang ahensya.
Ayon kay Ginoong Singun, pinaghalong pera at livelihood assistance na nagkakahalaga ng limang libo ang ibibigay sa mga benepisyaryo na nawalan ng kita o nagsarado ang negosyo dahil sa ECQ.
Ang mga bibigyan ay iaassess din ng mabuti ng kanilang tanggapan upang mapili talaga ang mga maliliit na negosyo na higit na nangangailangan ngayong may nararanasang pandemya sa COVID-19.
Iginiit nito na hindi lahat ng mga maliliit na negosyo ay mabibigyan ng nasabing tulong lalo na kung nakatanggap na ng ibang ayuda mula sa gobyerno.
Dagdag pa ni Singun, ang mga micro entrepreneur na hindi makakatanggap ng tulong mula sa DTI ay ipapasok naman sa pautang ng gobyerno na nasa 0.5 porsiyento lang ang interes kada buwan o 6 porsiyento kada taon, na puwedeng bayaran sa loob ng 2 hanggang 5 taon.