Higit 30 Pilipino, namamatay kada araw sa road accident – WHO  

Nasa 35 Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa aksidente sa kalsada.

Ito ang lumabas sa World Health Organization (WHO) Global Status Report.

Maliban dito, umaabot sa 348 ang lubhang nasusugatan at karamihan sa mga namamatay ay nakasakay sa motorsiklo.


Aabot sa higit isang Bilyong piso ang halaga ng nawawala kada araw  dahil sa road crash.

Kaya panawagan ni International Road Assessment Program Managing Director for Strategic Projects Greg Smith, gawing mas ligtas ang mga daan.

Kabilang na rito ang paglalagay ng divider o hati sa mga daan, malawak na bangketa o sidewalk sa mga pedestrian at paglalagay ng motorcycle lane.

Sinabi naman ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Asec. Edgar Galvante, patuloy ang operasyon at inspection para tiyaking ligtas ang mga daan, kasama ang paggamit ng seatbelt, walang overloading at smoke belching, hindi nagmamaneho ng lasing at walang batang nakasakay sa motorsiklo.

Nangako ang mga bansa sa ilalim ng United Nations na kikilos para gawing mas ligtas ang mga daan sa ilalim ng decade of action for road safety.

Facebook Comments