Higit 30 sasakyan, ipapakalat ng Manila LGU simula bukas

Aabot sa 33 sasakyan ang ipapakalat ng lokal na pamahalaan ng Maynila simula bukas kasabay ng isang linggong tigil pasada ng ilang mga pampublikong sasakyan.

Sa capital report ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, inanunsiyo nito na kanilang ipapatupad ang OPLAN: LIBRENG SAKAY bilang tugon sa transport strike.

Nasa sampung bus, 17 pick-ups, tatlong trucks, dalawang transporters, at isang command unit ang iikot sa ilang bahagi ng lungsod Taft Avenue, Quezon Blvd., España Blvd., UN Avenue, Vito Cruz Street, Abad Santos Avenue at iba pa.


Ide-deploy rin ang e-trikes na libreng magsasakay sa mga secondary roads sa buong lungsod ng Maynila.

Layunin nito na mabigyan ng tulong ang mga manggagawa sa pribado at tanggapan ng gobyerno gayundin sa lokal na pamahalaan.

Una ng idineklara ng Manila Local Government Unit (LGU) na magpapatupad sila ng asynchronous classes sa mga pampublikong paarala habang hinihimok nila ang mga pribadomg eskwelahan na magsagawa ng online classes mula March 6 hanggang 11, 2023.

Facebook Comments