Higit 300 aplikante, hired-on-the-spot sa online job fair ng DOLE

Umabot sa 307 ang natanggap sa isinagawang online job fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kahapon, June 12.

Nasa 58,211 na trabaho sa loob at labas ng bansa ang inalok ng DOLE sa mga aplikante.

Sa datos ng Bureau of Local Employment, nasa 30,890 ang bilang ng mga nagparehistro na nakibahagi sa ikinasang online job fair sa 16 na rehiyon sa bansa.


Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na 7,176 ang pumasa sa qualification at 307 sa kanila ang na-hire-on-the-spot.

Nasa 1,023 naman ang pinagpapasa ng requirements at iba pang dokumento kung saan ilan rin sa kanila ay sasailalim sa final interview.

Ayon kay Bello, inisyal na bilang pa lamang ito ng mga natanggap sa kanilang online job fair dahil naghihintay pa sila ng ulat muna sa DOLE Regional Offices.

Samantala, nasa 233 jobseekers din ang tinulungan ng DOLE para sumailalim sa training sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), 121 ang ini-refer sa Bureau of Workers with Special Concerns para sa livelihood training at 250 ang ini-refer sa Department of Trade and Industry (DTI) para mag-inquire kung paano magsimula ng negosyo.

Facebook Comments