Inihayag ng World Health Organization (WHO) na mahigit tatlundaang indibidwal na ang namamatay dahil sa dengue sa loob lamang ng limang buwan ng 2019.
Sa datus ng World Health Organization o WHO Philippines, mula January 1 hanggang May 18, 2019, nasa 303 ang kumpirmadong nasawi dahil sa sakit na nagmula sa kagat ng dengue carrying mosquitos.
Paliwanag ng WHO na pumalo pa ito sa 328, para sa unang dalawampung linggo o 20 weeks ng 2019.
Higit sa 70,000 naman ang cumulative number o bilang ng mga suspected cases ng dengue sa buong kapuluan sa loob pa rin ng dalawampung linggo.
Dahil dito, patuloy na pinag-iingat ng WHO ang mga Pilipino laban sa dengue at ang nakamamatay na mga kumplikasyong dulot ng sakit.
Kung may naramdamang sintomas, gaya ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng tiyan, pagdurugo ng gilagid, pagsusuka at iba pa, agad na magpatingin sa doktor o magtungo sa ospital, dahil ayon sa WHO, ang maaga at tamang medical care ay makasasagip ng buhay.