Nasa 350 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dumating na sa bansa na nanggaling sa Dammam, Saudi Arabia.
Sa monitoring ng Manila International Airport Authority (MIAA), dumating ang mga OFWs sakay ng Philippine Airlines flight PR 683 sa NAIA Terminal-2, kung saan agad nilang isinailalim sa quarantine protocols.
Nakahanda naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para tulungan silang magkaroon ng trabaho.
Nabatid na nawalan ng trabaho ang mga OFWs bunsod na rin ng COVID-19 pandemic at nakauwi sila sa tulong ng repatriation program ng pamahalaan.
Samantala, nakauwi na sa Pilipinas ang isang OFW na hinalay at sinasaksak ng isang pulis sa Kuwait pero nakaligtas ito 8 taon na ang nakalilipas.
Sa isang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE), nanatili sa Migrant Workers and other Filipino Resource Center (MWOFRC) ng 8 taon habang hinihintay ang resulta ng kaso na isinampa nito laban sa pulis.
Nabatid na 2014 ng mahatulang guilty ang pulis at pinatawan ng parusang kamatayan pero inapela ang kaso kaya’t naibaba ang sentensiya sa habambuhay na pagkakakulong habang binigyan naman ng halagang katumbas ng P3 milyon ang OFW bilang danyos.