Umaabot ss 348 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Dubai at Abu Dhabi sa United Arab Emirates (UAE) ang nakabalik na sa bansa.
Ito’y sa ikinakasang repatriation program ng pamahalaan kung saan ito naman na ang ika-apat na batch ng mga OFWs matapos ideklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang travel restrictions mula sa pitong ibang bansa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang gastos sa chartered flight ng mga OFWs.
Tumulong rin ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai kung saan nakipag-ugnayan rin sila sa Philippine Consulate General (PCG) in Dubai para mapauwi na rin ang nasa halos 2,000 OFWs at kanilang pamilya.
Kabilang rin na umaalalay ang Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan nakatakda rin bumalik sa bansa ang iba pang OFWs sa darating na July 12, 17, 27 at 30.
Sinabi ni Bello na kabilang sa mga pinauwi ay 67 buntis na OFWs, 30 OFWs na may medical cases, anim na OFW na mula sa Bahay Kalinga sa Dubai at dalawang OFW mula naman sa Bahay Kalinga sa Abu Dhabi.
Ang iba naman OFW ay kabilang sa mga pasaherong nakansela ang biyahe o kaya ay overstaying na sa UAE.