Cauayan City, Isabela- Umaabot sa 3,801 ang mga alagang baboy sa Cagayan Valley ang naisalalim sa culling simula Enero hanggang kasalukuyan ng buwan taong 2021 batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) region 2.
Ayon kay DA Regional Technical Director Dr. Roberto C. Busania, pumalo na sa 1,050 ang kabuuang bilang ng mga magsasakang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa taong 2021 habang 42 ang mga barangay na apektado nito.
Aniya, hindi na gaanong karami ang mga naitatalang tinatamaan ng ASF sa ngayon kung ikukumpara sa mga nakalipas na linggo.
Ayon pa kay Busania, sana raw ay maiplano na ng mga bayan na hindi apektado ng ASF sa lahat ng probinsya sa rehiyon dos ang re-population ng mga alagang baboy pero giit n’ya na hindi basta lamang gagawin ito dahil may kailangang masunod sa pagpaparami ng alagang mga baboy.
May ayuda aniya ang pamahalaan sa mga apektadong magsasaka upang kahit papaano ay makabangon ang mga ito mula sa pagkawala ng kanilang mga baboy.
Samantala, hinimok naman ni Busania ang mga LGU na magkaroon sana ng BABAy ASF sa mga barangay na layong tutukan ang mga baboy kung may mga hindi ito pangkaraniwang sakit na agad maiparating sa kinaukulan.
Umaasa naman ang opisyal na manunumbalik na ang sigla sa sektor ng pagbababoy.