
Aabot sa 3,463 na mga tricycle drivers sa Maynila ang unang mabibigyan ng fuel subsidy mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito’y bunsod ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW), Dir. Jay Reyes dela Fuente, ang kanilang tanggapan ang makakatuwang ng DSWD sa pamamahagi ng subsidiya para sa mga samahan ng transport sector.
Nabatid na ang listahan ng mga benepisyaryo ay magmumula sa mga Tricycle Regulatory Unit o TRU at sa mga samahan ng TODA kung saan kinakailangan na magdala ang driver ng photocopy ng kaniyang driver’s license sa oras ng payout.
Babala ng MDSW, posibleng hindi makasama sa ayuda ang mga driver na may kulang na impormasyon sa isinumiteng listahan.
Makikinabang dito ang mga tricycle driver mula sa District 1 hanggang 6 kung saan nasa P17,315,000 na pondo ang inilaan dito.










