Umabot sa higit 30,000 indibidwal ang nag-apply bilang contact tracers kasabay ng pagpapaigting ng pamahalaan ng kakayahan nito na matunton ang mga posibleng dinapuan ng COVID-19 sa buong bansa.
Ito ang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos i-anunsyo ng National Task Force (NTF) against COVID-19 na nagha-hire sila ng karagdagang 50,000 contact tracers; 20,000 sa Luzon, at tig-15,000 sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, nasa higit 60% na ang mga nag-apply para sa nasabing posisyon at marami pang nais magpasa ng kanilang applications.
Pero, sinabi rin ni Año na ihihinto nila ang pagtanggap ng applications sa Biyernes lalo na at kailangan pang iproseso ang pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Mula sa 20,000 contact tracers na tatanggapin sa Luzon, 9,000 dito ang itatalaga sa Metro Manila na itinuturing na episentro ng COVID-19.
Importante rin aniya ang koordinasyon sa pagitan ng contact tracers at barangay officials.
Target nilang masimulan ang training sa October 1, 2020.