Cauayan City, Isabela- Nasa 30,000 pamilya o katumbas ng 92,000 indibidwal ang labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha sa lungsod ng Ilagan bunsod ng naranasang pag-uulan dala ng nagdaang Bagyong Ulysses.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay City Mayor Jay Diaz, kasalukuyan ang kanilang ginagawang relief operations upang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang apektado ng kalamidad sa kanilang siyudad.
Aniya, isinasaayos na rin ang ilang pangunahing daan sa mga barangay na nakaranas ng makapal na putik bunsod ng pagbaha.
Una nang nalubog sa baha ang 51 barangay sa lungsod habang 17 ang isolated kung kaya’t tiniyak ng alkalde na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng barangay sa lungsod.
Sa ngayon ay masayang ibinalita rin ng opisyal na naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga barangay makalipas ang ilang araw na nakaranas ng pagbaha.
Matatandaang idineklara sa lungsod ang State of Calamity dahil sa malaking pinsala nito sa mga kabahayan at agrikultura.