Pumalo na sa higit 313, 050 ang bilang ng naitalang foreign tourist arrivals sa Pilipinas simula ika-10 ng Pebrero hanggang ika-25 ng Abril ngayong taon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na karamihan sa mga ito ay nagmula sa Estados Unidos, Canada, at South Korea.
Aniya, bagama’t hindi pa naaabot ng bansa ang pre-pandemic level ng tourist arrivals, masaya aniya sila dahil nakikita na ang unti-unting pagsigla ng turismo sa bansa.
Ayon sa kalihim, sila sa Department of Tourism (DOT), katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ay mahigpit ang ginagawang pagbabantay sa compliance ng mga accommodation establishments sa mga health protocols laban sa COVID-19.
Sa oras na makakita sila ng paglabag, agad na pinadadalhan ng pamahalaan ng show cause order ang mga ito.
Sakali namang maulit pa ang paglabag, awtomatikong ipasasara na ang mga establishemento.