Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa kabuuang 316, 515 na indibidwal ang nabakunahan sa una at ikalawang dose kontra COVID-19 sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay batay sa COVID-19 vaccine roll-out updates ng Provincial Government ngayong araw, August 23, 2021.
Sa pinakahuling datos, nasa 179,086 ang nabakunahan sa unang dose habang 137, 429 naman para sa ikalawang dose kontra COVID-19.
Batay sa fully vaccinated total projected population, umangat ito sa 8.7% ngayong araw mula sa nakalipas na August 12 kung saan mayroon lamang 7.55%.
Kaugnay nito, halos nasa 100% na ang mga nabakunahan sa priority A1 o mga health care workers; 69.5% naman sa A2 priority o mga senior citizen, 62.4% naman sa A3 group o individuals with comorbidities habang 10.9% ang mga kabilang sa essential workers, frontliners sa gobyerno at mga uniformed personnel.
Patuloy naman ang ginagawang pagbabakuna sa mga kabilang sa priority group kabilang ang mga indigent sector sa kabila ng may ilang lugar sa rehiyon ang nakasailalim sa high-risk epidemic classification.