Higit 300,000 na Pilipino, napauwi ng DFA simula ng magkaroon ng COVID-19 pandemic

Umaabot na 323,436 na mga Pilipino ang napauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ating bansa simula ng magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ang nasabing bilang ng mga Pilipino ay napauwi sa ilalim ng repatriation program ng DFA kung saan higit sa 1,000 chartered flights ang inilaan ng kagawaran para sa kanila.

Pinakahuling nadagdag sa bilang ang nasa 285 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Bahrain, Lebanon at Syria na dumating sa Pilipinas noong December 29, 2020.


Ang mga OFWs ay napauwi sa tulong na rin ng mga embahada ng Pilipinas na nakakasakop sa mga nabanggit na bansa.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang hakbang ng DFA para mapauwi ang iba pang OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at iba pang naging isyu sa pinuntahan nilang ibang bansa.

Samantala, hinihikayat ng DFA ang mga dayuhan at mga Piilpino na nasa ibang bansa na ipagpaliban muna ang nakatakda nilang biyahe sa Pilipinas.

Ito’y dahil sa travel restrictions na ipinapatupad upang hindi makapasok ang bagong strain ng COVID-19 lalo na’t limitado na rin ang libreng quarantine facilities.

Ang mga Pilipino na nais nang umuwi ay papayagan makapasok s bansa sasailalim sila sa mandatory 14-day quarantine kahit pa mag-negatibo sila sa RT-PCR test.

Facebook Comments