Patuloy ang pagsulong ng DENR-PENRO Pangasinan na mapangalagaan ang kalikasan. Mula sa mga bulubundukin at mga karagatan, tinitiyak na napoprotektahan ang mga likas na yaman.
Ayon kay Nerissa Evasco, Development Management Officer II ng tanggapan, umabot sa humigit-kumulang 31,191,085 na puno ang naitanim sa mga forest lands katuwang ang iba’t ibang ahensya, lokal na pamahalaan, at mga organisasyon mula 2011 hanggang 2025 bilang bahagi ng patuloy na programa ng tanggapan sa pangangalaga ng kalikasan.
Iba’t ibang uri ng puno ang itinatanim depende sa pangangailangan ng lugar upang masiguro ang maayos na pangangalaga at paglago nito.
Sa kabila nito, nananatiling hamon ang mga insidente ng pagkasunog ng mga puno at halaman sa kabundukan kaya mas pinaigting ang monitoring upang maprotektahan ang kalikasan.
Hinihikayat naman ang publiko na makilahok sa mga programang pangkalikasan upang makatulong sa pagpapanatili at pagpapalago ng likas na yaman. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










