Higit 350, sugatan; Higit 300K indibidwal, apektado Abra earthquake

Umakyat na sa 350 ang bilang ng mga nasugatan sa magnitude 7 na lindol sa Abra noong Miyerkules.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 357 ang nasugatan sa lindol kung saan 355 ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at dalawa sa Cagayan Valley.

Bukod dito, 18 reported injuries pa ang bina-validate ng NDRRMC habang wala nang napaulat na nawawala.


Samantala, siyam na ang nasawi sa Cordillera dahil sa lindol habang isa pa ang patuloy na bineberipika ng ahensya.

Sa kabuuan, 82,336 pamilya na o 314,161 indibidwal mula sa 996 na mga barangay sa CAR, Ilocos Region at Cagayan Valley ang naapektuhan ng pagyanig.

Nasa 1,113 pamilya o 3,892 indibidwal ang nananatili ngayon sa 42 evacuation centers.

Iniulat din ng NDRRMC na nasa 21,890 mga bahay ang nasira ng lindol mula sa mga nabanggit na rehiyon gayundin sa Metro Manila.

302 rito ang totally damaged habang 21,588 ang bahagya lamang nasira.

Samantala, umabot na sa ₱414,228,000 ang halaga ng pinsalang iniwan ng lindol sa 539 na imprastraktura; ₱13,946,476 naman sa sektor ng agkrikultura at ₱4,500,000 sa irigasyon.

Ayon sa NDRRMC, 27 lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa naging pinsala ng lindol.

Facebook Comments