Matatandaan na sa kasagsagan ng bagyo, itinaas sa Signal No. 3 ang Cagayan na nakaranas ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan at pagbaha na nagdulot ng pinsala sa mga pananim na mais at palay, puno, kalsada at mga kabahayan sa lugar.
Ayon sa isinagawang monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nasa 3,006 na pamilya na binubuo ng 9,913 na indibidwal ang labis na naapektuhan sa nangyaring kalamidad.
Ang mga apektadong pamilya ay mula sa 131 na barangay sa iba’t ibang bayan na kinabibilangan ng Baggao, Gattaran, Iguig, Gonzaga, Solana, Lal-lo, Piat, Claveria, Amulung, Sta. Praxedes, Pamplona, Aparri, Peñablanca, Allacapan, Sta. Ana, Abulug, Enrile, Rizal, at Lasam.
Ayon sa Cagayan Provincial Information Office, mayroon pa umanong 2,231 na pamilya na nasa 6,888 indibidwal ang nasa mga evacuation center pa rin habang may 117 na pamilya o 362 indibidwal naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak.
Ito ay matapos pasukin ng tubig ulan ang kabahayan ng mga residente at ang iba naman ay kinakailangang lumikas dahil sa pagbaha at banta ng landslide.
Maliban naman sa dalawang indibidwal na nasaktan sa bayan ng Tuguegarao at Enrile matapos mabagsakan ng kahoy, wala namang naitalang nasawi dahil sa bagyo.
Samantala, nakalabas na ang bagyong Florita sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ayon sa DOST-PAGASA ngunit patuloy parin ang ginagawang monitoring sa probinsya dahil mataas parin ang level ng tubig sa Buntun bridge sa Tuguegarao City.