Umabot sa 40.8 kilo ng basura ang nakolekta ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa paligid ng Hundred Islands National Park ilang araw matapos ang selebrasyon ng Pasko.
Ang paglilinis ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng mga pook pasyalan nito.
Katuwang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard, at iba pang ahensya ng gobyerno, sumisid ang mga personnel upang alisin ang mga basurang naipon sa ilalim ng tubig. Ang hakbang na ito ay bahagi ng programang SCUBAsurero, na layuning mabawasan ang marine pollution at mapangalagaan ang mga yamang dagat.
Sa nalalapit na Bagong Taon, hinihikayat ng mga opisyal ang mga turista at residente na magpatupad ng zero-waste practices, lalo na sa mga barangay at pook pasyalan. Ang kampanyang ito ay bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kalinisan sa kabila ng pagdagsa ng mga tao ngayong holiday season.
Ang Hundred Islands National Park ay nananatiling isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga turista sa bansa, kaya’t mahalaga ang patuloy na pangangalaga rito para sa kapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨