Nakatakdang tumanggap ng amelioration benefit ang higit 400 barangay health workers (BHWs) mula sa 30 barangay sa bayan ng Mangaldan, bilang bahagi ng patuloy na suporta sa kanilang serbisyo sa bayan.
Ito ay inihayag sa idinaos na 2nd General Assembly ng Mangaldan Barangay Health Workers, kung saan ibinahagi na aabot sa 428 ang kabuuang bilang ng BHWs sa bayan. Sa nasabing bilang, 136 ang rehistrado at 292 ang accredited.
Ayon sa anunsyo, ipamamahagi ang amelioration benefit kasabay ng iba pang BHWs sa ikaapat na distrito ng Pangasinan.
Nilinaw rin na hindi na muna kinakailangan ang Primary Health Care Training Certificate sa pagkuha ng benepisyo, at sapat na ang oath of office at certificate of appointment.
Ang hakbang na ito ay kinikilala ng lokal na pamahalaan bilang suporta sa mahalagang papel ng mga BHW bilang frontliner sa serbisyong pangkalusugan sa antas ng barangay at sa patuloy nilang pagtulong sa pangangalaga ng kalusugan ng mga residente sa bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










