Tagumpay ang hatid ng araw na ito para sa 418 Dagupeños na nagtapos mula elementarya, junior high school, at senior high school sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education.
Sa kabuuang bilang, 306 ang mula sa DepEd-Dagupan Division, habang 112 naman ay mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP-Dagupan).
Para sa karamihan, hindi naging madali ang paglalakbay tungo sa pagtatapos. Maraming nagsipagtapos ang humarap sa matinding kahirapan, kakulangan ng suporta, at personal na pagsubok bago muling nakabalik sa pag-aaral. Sa kabila nito, pinatunayan nila na posible pa ring abutin ang pangarap basta’t may tiyaga at determinasyon.
Bagaman malaking tulong ang programang ALS, nananatili pa ring hamon para sa maraming Dagupeño ang pagkakaroon ng pantay na akses sa edukasyon. Marami pa ring kabataang napipilitang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan at kakulangan ng pasilidad.
Ang ALS ay isang non-formal education program na naglalayong tulungan ang mga out-of-school youth, matatanda, at maging Persons Deprived of Liberty (PDL) upang makapagtapos sa elementarya, junior high school, o senior high school kahit hindi dumadaan sa tradisyunal na pormal na paaralan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









