HIGIT 400 KILO NG BASURA, NAKOLEKTA SA PALIT-BASURA CARAVAN SA ALAMINOS CITY

Umabot sa mahigit 400 kilo ng recyclable waste ang nakolekta sa isinagawang Palit-Basura Caravan sa Telbang National High School sa Alaminos City, bilang bahagi ng kampanya para sa wastong pamamahala ng basura at pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Isinagawa ang aktibidad kasabay ng Information, Education, and Communication (IEC) Campaign na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa tamang paghihiwalay, pagbabawas, at pagtatapon ng basura.

Binibigyang-diin ng programa ang papel ng kabataan bilang katuwang sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran.

Tinalakay sa kampanya ang mga klasipikasyon ng basura at ang wastong paraan ng paghawak at pagtatapon nito, habang nagbigay rin ng paalala sa mga simpleng hakbang tulad ng paggamit ng eco-bag at pag-iwas sa hindi kinakailangang mga produkto.

Sa mismong Palit-Basura Caravan, nagbigay ang mga mag-aaral ng kanilang naipong recyclable materials kapalit ng piling grocery items. Sa kabuuan, umabot sa 419 kilo ang nakolektang recyclable waste.

Ayon sa City Environment and Natural Resources Office, mahalaga ang ganitong uri ng aktibidad upang higit na maunawaan ng mga kabataan ang halaga ng responsableng pamamahala ng basura sa pamamagitan ng aktuwal na pakikilahok. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments