Umaabot sa higit 400 na indibdwal ang nasita at hinuli ng Manila Police District (MPD) dahil sa paglabag sa curfew.
Sa datos ng MPD, nasa 420 ang bilang ng kanilang nahuli kung saan 13 sa mga ito ay pawang mga menor de edad na mga residente ng Baseco.
Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Leo Francisco, ang may pinakamaraming nahuling lumabag sa curfew ay sa MPD Station 1 na nasa 72 ang bilang.
Umabot naman sa tig-62 sa MPD Station-6 at 7 habang sa MPD Station-13 na siyang nakakasakop sa Baseco ay nakahuli ng 7 menor de edad.
Dahil dito, agad na ipinatawag ang mga magulang ng mga menor de edad para pagpaliwanagin at kung hindi ito sapat, sila mismo ang mananagot sa nagawa ng mga anak.
Ang iba naman na hinuli ay dinala sa mga covered court ng barangay para kuhanan ng impormasyon at sasampahan ng kaukulang kaso.
Muling paalala ng MPD sa mga residente ng lungsod ng Maynila na huwag nang maging pasaway at maiging sumunod sa mga patakaran hinggil sa pagpapatupad ng ECQ upang mabawasan ang pagkalat ng COVID-19.