Nasa 437 na mga local elected at appointed public officials at kanilang mga kasabwat na sibilyan ang nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal dahil sa anomalya sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, habang patuloy ang pamimigay ng second tranche ng SAP ay puspusan din ang pagsasampa nila ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal.
Sa higit 400 kinasuhan, 203 ang kinabibilangan ng mga alkalde, konsehal, kapitan ng barangay, kagawad, SK chairmen at SK councilors.
Habang 103 ay mga tauhan ng barangay at munisipyo at 132 ay mga kasabwat na sibiliyan.
Bukod dito, nasa 626 na iba pa ang iniimbestigahan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon kay Año, karamihan sa mga isinampang kaso ay mga paglabag sa Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act; RA 11469 o Bayanihan Act; at RA 11332 o Law on Reporting of Communicable Diseases.
Pinuri naman ng kalihim ang PNP-CIDG sa pag-iimbestiga sa 336 na SAP-related cases sa buong bansa.