Higit 400 tawag, natatanggap ng tele-consultation program ng OVP

Aabot sa average na 400 calls kada araw ang natatanggap ng tele-consultation program ng Office of the Vice President (OVP) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni OVP Chief-Of-Staff, Undersecretary Philip Dy na mula sa 100 tawag na natatanggap nila noong Hunyo at Hulyo ay pumalo ito sa mahigit 400 noong nakaraang linggo.

Dahil sa dami ng natatanggap na tawag sa kanilang Bayanihan E-Konsulta, maging si Vice President Leni Robredo aniya ay sumasalang na sa graveyard shift para tulungan ang kanyang mga staff at volunteers sa pagpapatakbo ng programa.


“Ramdam na ramdam din namin yung ng cases doon sa aming Bayanihan E-Konsulta, free consultation projects. Nitong nakaraang linggo lang Ka Ely, on average, nakaka-more than 400 cases per day kami na pumapasok,” ani Dy.

“Si VP mismo, lagi yang nag-ge-graveyard shift simula alas-11:00 or midnight, nakatutok na po ‘yan sa emergency thread namin tsaka sa LGU referral thread para kung meron talagang emergency na mangyari, kailangan i-facilitate agad sa ospital o itawag sa local government unit para rumesponde sa pangangailangan nung pamilya o pasyente,” dagdag niya.

Abril nang ilunsad ng OVP ang tele-consultation program, isang libreng serbisyo na layong matugunan ang atensyong medikal ng mga outpatient cases ng COVID-19 sa Metro Manila at mga karatig probinsya na nasa ilalim ng ECQ.

Facebook Comments