Papayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bumiyahe ang nasa 4,400 Public Utility Vehicles (PUVs) sa susunod na linggo para sa mga essential workers.
Ito ay sa harap ng pagbiyahe ng mga kolorum na transport vehicles.
Ayon kay LTFRB National Capital Region Director Zona Tamayo, plano nilang buksan ang 250 ruta sa buong bansa.
Sakop nito ang mga jeep at provincial buses patungo at palabas ng Metro Manila.
Pero sinabi ni Tamayo na ang mga karagdagang provincial buses na papasok sa capital region ay dadaan pa sa approval at requirements na ilalatag ng Local Government Units (LGUs).
Nakikipag-ugnayan din ang LTFRB sa regional offices nito maging sa mga local official sa bansa para sa posibleng pagbabalik biyahe ng mga PUV sa kanilang lugar.
Nasa 76% ng public transportation sa Metro Manila ang pinayagang magbalik operasyon mula nitong March 2021.
Batay sa datos ng DOTr, 745 routes sakop ang 53,441 public transport units ang pinayagang bumiyahe sa Metro Manila, sakop ang city buses, P2P buses, modern jeepneys, traditional jeepneys, modern UV Express units, traditional UV Express, provincial buses at provincial P2P buses.
Bukod dito, kasama rin sa datos ang mga taxi, transport network vehicle service, shuttle service, at trucks-for-hire.