HIGIT 4,000 KAPULISAN, ITATALAGA NG POLICE REGIONAL OFFICE 1 PARA SA LIGTAS UNDAS 2025

Itatalaga ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang mahigit 4,000 kapulisan sa buong rehiyon bilang bahagi ng Oplan Kaluluwa 2025, upang matiyak ang ligtas at mapayapang paggunita ng Undas ngayong taon.

Ayon kay PBGEN Dindo Reyes, Regional Director ng PRO 1, ang hakbang na ito ay isasagawa katuwang ang iba’t ibang lokal na pamahalaan, mga uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at humigit-kumulang 2,000 personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Kasabay nito, mahigpit na pinaaalalahanan ng kapulisan ang publiko hinggil sa mga ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo, kabilang ang patalim, mga gamit pangsugal, maiingay na sound system, at mga inuming nakalalasing.

Pinapayuhan din ang mga aalis ng bahay na siguraduhing nakasara nang maayos ang mga pinto at bintana, at nakapatay ang mga de-kuryenteng kagamitan upang maiwasan ang sunog o anumang sakuna habang wala sa tahanan.

Layunin ng PRO 1 na maging mapayapa, maayos, at ligtas ang paggunita ng Undas 2025 sa buong rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments