Unang beses pa lang muling lumaot ng ilang mangingisda sa Sitio Olanen, Brgy. Dacap Sur sa bayan ng Bani, Pangasinan mula nang manalasa ang Bagyong Uwan, ngunit imbis na isda, ay iba ang kanilang nabingwit.
Imbis na isdang binebenta at maihahain sana sa hapag ay nag-uwi sila ng mahigit 4,000 metro ng lubid na nakitang palutang-lutang sa dagat.
Natagpuan nila ito sa layong 30 milya mula sa pampang at inabot ng limang oras para maisakay sa dalawang bangka.
Ayon sa mga mangingisda, posibleng galing sa mga malalaking sasakyang-pandagat o istrukturang napinsala ng bagyo ang naturang lubid, na maaaring inanod patungo sa baybayin.
Ang coastal area ng Sitio Olanen ang isa sa mga pinakanaapektuhan sa naturang bayan, kung saan nasira ang mga kabahayan at ilang bangkang panglaot dahil sa lakas ng hangin at hampas ng alon sa dulot ng Bagyong Uwan.
Ayon sa mga residente, nagkaubusan ng lubid sa mga nagbebenta noong kasagsagan ng bagyo dahil marami sa mga bubong sa mga kabahayan ang itinali upang hindi tangayin ng malakas na hangin.
Sa ngayon ay mayroon na umanong mga kumakausap sa mga nakakuhang mangingisda upang bilhin ang nasabing mga lubid. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









