Cauayan City, Isabela- Nakatakdang magsagawa muli ng pagsasanay sa mga enumerator ang pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela para sa pagpapatuloy ng pre-registration na ipapaloob sa National ID System.
Ayon kay Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng PSA Isabela, iiskedyul ang gagawing tatlong (3) araw na ‘refresher training’ sa mga enumerator at supervisor na mangunguna sa nasabing aktibidad sa pamamagitan ng virtual training.
Aniya, ito na ang ikalawang bugso ng gagawing registration makaraang mairehistro ang mga pangalan na nasa LISTAHANAN 3 o ang mga indibidwal na nasa listahan ng mga mahihirap na kinalap ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dahil dito, ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay inaasahang magkakaroon ng nasabing ID para kanilang magamit sa anumang uri ng transaksyon.
Matatandaang noong Setyembre 2020 ay inuna ng ahensya ang mga mahihirap para sa pagkakaroon ng ID kung kaya’t sa darating na Pebrero 2021 ay isasalang na ang mga ito sa actual registration gaya ng pagkuha ng biometrics at eye resistant.
Kaugnay nito, 28 municipality sa kabuuang 37 na bayan sa probinsya ang nauna ng naisama sa pre-registration ng National ID.
Sinabi pa ni Emperador, 403,000 na 4Ps member ang pre-registered na para sa gagawing National ID system at nasa 1.5 milyon ang kabuuang bilang ng mga tao sa Isabela.
Samantala, inaasahan namang sa darating na Enero 18 hanggang Marso 31 ngayong taon ay maaari ng mairehistro ang edad 5 pataas kahit anuman ang katayuan nito sa buhay.
Sa proseso, magbabahay-bahay pa rin ang mga tauhan ng PSA para sa pagkuha ng impormasyon sa gagawing ID.
Muli namang nilinaw ng opisyal na hindi sapilitan ang pagkuha ng mga impormasyon para lamang magkaroon ng ID ang isang indibidwal.