Sa kabila ng malakas na banta ng COVID-19 at sa bagong variant ng nasabing sakit, hindi pa rin napigilin ang mga debotong pumunta sa Quiapo Church sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng pista ng Itim ng Nazareno.
Umabot lang sa 400 ang mga naipasok na deboto sa loob ng simbahan matapos ang oras-oras na misa.
Bunsod nito, maraming namamanata ang nanatili na lang sa mga kalsada at nakimisa sa pamamagitan ng ikinalat na mga speaker at mga LED screen.
Base sa tala ng Manila Police District (MPD), umabot sa 50,000 ang nagtungo kahapon sa simbahan ng Quiapo at iba pang simbahang sa Maynila na nagdaos din ng mga misa.
Sinabi naman ni Manila City Mayor Isko Moreno, aabot sa 400,000 ang dumalo sa magdamagang kapistahan kung isasama ang mga pumunta sa iba pang pinagdausan nito simula Biyernes.
Dagdag pa niya, tatlumpu’t pito ang naitalang sugatan at apat dito ang kailangang dalhin sa ospital.
Pagtataya ng ni Mayor Isko at ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brigadier General Vicente Danao, Jr., naging payapa ang pagdiriwang ng kapistahan.
Walang naitalang krimen tulad ng nakawan at gulo at kakaunti lang din ang naitalang sugatan kumpara noong nakaraang taon.
Gayunpaman, may mga pagkakataong hindi nasunod ang physical distancing sa labas ng simbahan, bagay na idinulog ng Department of Health (DOH) sa lokal na pamahalaan.
Aminado naman ang working committee head ng kapistahan na si Alex Irasga, na nahirapang kontrolin ng mga otoridad ang mga deboto sa ilang lugar ngunit nalutas din aniya ito kalaunan.
Sa kabuuan, naging disiplinado aniya ang mga deboto.
Matatandaan, hindi itinuloy ang Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong taon dahil sa pandemya, kapalit nito ang mga novena at misang layong mahikayat ang mga debotong huwag nang magtungo sa Quiapo Church.