Higit 40K na pasahero, naitala ng PCG na bumiyahe sa iba’t ibang pantalan sa bansa

Umabot sa 45,849 ang bilang ng mga pasahero na bumiyahe sa iba’t ibang pantalan sa bansa simula alas-6:00 kagabi hanggang alas-12:00 ng madaling araw.

Base sa datos ng Philippine Coast Guard o PCG bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2019 pinakaraming pasaherong bumiyahe ay sa Central Visayas na nasa 10,981 ang bilang.

Sinundan ito ng Western Visayas na nasa 9,799; Southern Tagalog – 7,191; Northern Mindanao – 6,533; Eastern Visayas – 3,540; Southern Visayas – 2,716 at National Capital Region na nasa 1,442 ang bilang.


Sa kabila nito, patuloy na nagbabantay ang coast guard upang masiguro ang zero maritime casualty o incident ngayong Kapaskuhan.

Pinaalalahanan din nila ang publiko na maagang magtungo sa mga pantalan para hindi maghintay ng matagal sa security check at patuloy na maging alerto at i-report sa mga otoridad sakaling may kahina-hinalang tao o bagay na makikita.

Facebook Comments