HIGIT 428K PANGASINENSE, APEKTADO NG BAGYO AT HABAGAT

Tinatayang nasa 132,397 pamilya o 428,201 katao ang apektado ng pagbaha dulot ng Severe Tropical Storm Crising at habagat ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

 

Umabot naman sa 788 pamilya o 2,462 katao ang inilikas sa mga bayan ng Bugallon, Labrador, Lingayen, Binmaley, Urbiztondo, Calasiao, Mangatarem, Bani, at Dagupan City dahil sa matinding pagbaha.

 

Patuloy pa rin ang mga rescue operations kaya inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga evacuees.

 

Maraming kalsada rin sa Alaminos City at sa mga bayan ng San Nicolas, Mangatarem, Calasiao, Pozorrubio, Sta. Barbara, Bautista, Balungao, Labrador, at Urbiztondo ang hindi madaanan dahil sa baha.

 

Sa kabuuan, 116 barangay ang apektado ng baha, na may pinakamataas na lebel sa Barangay Talibaew, Calasiao na umabot sa 5 talampakan.

 

Samantala, iniimbestigahan din ang dalawang kaso ng pagkalunod sa Binmaley at Sta. Barbara.

 

Sa ngayon, nakataas pa rin ang red alert status sa buong lalawigan.

 

Nagbabala ang PDRRMO na bagama’t huminto ang malakas na ulan, patuloy ang pagdaloy ng tubig mula sa kabundukan. May panibagong sama ng panahon din na inaasahang magdadala ng ulan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments