Higit 4,700 na pulis, ide-deploy ng QCPD kaugnay ng Undas 2024

Magpapakalat ang Quezon City Police District (QCPD) ng 4,786 na pulis para matiyak ang seguridad sa paparating na Undas 2024.

Sa QC Journalists Forum, sinabi ni QCPD acting Chief PCol. Melecio Buslig Jr., na ipakalalat sa mga sementeryo at kolumbaryo gayundin sa mga terminal ng bus, mga istasyon ng tren, at sa major thoroughfare.

Bukod pa ito sa drone squadron para sa mas malawak na pagpapatrolya sa mga lugar na madalas dagsain tuwing undas.


May itatalaga rin ang QCPD na mga 70 police assistance desk sa iba’t ibang lugar sa QC para alalayan ang mga bibisita sa mga sementeryo at mga pasaherong magsisiuwian.

Makakatuwang ng QCPD sa pagmamando ng trapiko ang QC Transport and Traffic Management Department .

Panawagan ng QCPD sa mga magulang na may maliliit na bata at mga senior, agahan nang magtungo sa mga sementeryo at huwag nang makipagsabayan sa peak ng bisita sa Nobyembre 1-2 para hindi mahirapan sa pagbisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Facebook Comments