Umabot sa limang milyong estudyante mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ang nagparehistro sa unang linggo ng enrollment period para sa School Year 2020-2021 na pormal na magsisimula sa August 24.
Ang Department of Education (DepEd) ay nagpapatupad ng “remote enrollment” o proseso na pinaparehistro ang mga mag-aaral na hindi kailangan ng face-to-face interaction para sa lahat ng grade levels.
Ang virtual enrollment ay isinasagawa sa pamamagitan ng phone o online platforms.
Ayon kay DepEd Undersecretary Jesus Mateo, umabot sa 5,204,949 students sa bansa ang nag-enroll sa unang linggo ng Hunyo.
Patunay aniya ito na maraming estudyante ang sabik na magbalik-eskwela.
Sa kabila nito, aminado si Mateo na marami pa ring magulang ang nagdadalawang isip na i-enroll ang kanilang mga anak.
Pinayuhan ng DepEd ang mga magulang at mga guro na idulog sa ahensya ang anumang reklamo o sumbong kaugnay ng enrollment.
Samantala, maliban sa remote enrollment system, nagsasagawa rin ang DepEd ng kanilang school opening programs, ang Oplan Balik-Eskwela (OBE) at Brigada Eskwela (BE).