Cauayan City, Isabela- Pansamantalang isinara ang New Public Market ng Santiago City makaraang lumabas na nagpositibo sa COVID-19 ang ilang tindero at negosyante.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, city health officer, nakapagtala ng kabuuang 52 katao ang tinamaan ng virus mula sa higit 100 na sumailalim sa mass testing.
Una nang sinabi ni Manalo na nagsimula ang pagsasagawa ng mass testing makaraang magpositibo ang tatlong tindera sa arcade.
Puspusan aniya ang ginagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Kaugnay nito, magsasagawa rin ng ikatlong mass testing sa mga natitira pang market vendor gayundin ang mga market administration personnel para masiguro ang sitwasyon ng kanilang kaligtasan.
Nasa inilaang isolation facility ang mga pasyenteng tinamaan ng virus habang ang iba ay minabuting magself-isolate sa kanilang mga bahay dahil pawang mga asymptomatic ang mga ito.
Samantala, bukas naman ang old public market at iba pang bilihan sa lungsod.
Tatagal naman ng tatlong araw ang gagawing disinfection sa palengke bago ito muling buksan.
Umabot naman ang kabuuang bilang ng kaso sa mahigit 270, kung saan 209 dito ay nakarekober habang ang isa naman ay namatay.
Pakiusap naman ng LGU sa lahat ng mga residente at negosyante na ugaliing sumunod sa mga safety health protocols, gaya ng pagsusuot ng facemask at faceshield, maging pagsunod sa physical distancing.